“Ang bilis ng panahon” — ito lagi yung sinasabi natin tuwing nararamdaman natin ang pagsapit ng pasko. Parang inabutan na naman tayo ng susunod na taon tapos pakiramdam natin parang di ka na naka-catch up.
Feel ko hindi naman talaga mabilis ang panahon. Sadyang mas matagal lang tayo nakakauwi ng bahay ngayon. Yung byaheng sobrang bilis pag walang traffic pero dalawang oras kapag rush hour na. Yung pahinga mo na may kasamang pangamba kasi gabi na at kailangan mo na ulit magpahinga para gumising ulit sa umaga para di ka ulit ma-late kinabukasan. Mas marami lang nasasayang na panahon kakatingin sa cellphone. Mga puyat na inuutang sa gabi tapos tanghali na gigising. Baka nag-iba lang tayo ng lifestyle at inako na rin natin ang mga responsibilidad. Pero ‘yong panahon, ganun pa rin. Hindi nagbabago.
Wala na tayong oras mag muni-muni. Yung katahimikan laging may nakasingit na pangamba. Yung mga pahinga na minsan hindi na nirerespeto ng iba. Minsan, nakukuha, pero minsan pakiramdam mo’y may mali pa. Yung mga hilig natin, tinatago na lang sa isang tabi. Naghihintay magkaroon ng oras ulit. Araw-araw kang nagdadasal na manatili sana ang sigla sa mga bagay na pinapangarap mong abutin. Patuloy na nilalabanan ang mundong pabor lang lagi sa mga nasa itaas na. Paano na ang mga taong nais lang sumubok? Mga taong nagbabaka sakali?
Kaya bilib ako sa mga taong patuloy lang sa buhay. Ginagawang biro ang mga problema kahit seryoso na ang epekto sa kanila. Sana magtagumpay tayong lahat. Sana dumating yung panahon na yung mga hindi sumuko naman ang papalakpakan.