Avatar

Oooops. Ngayon naman lang ako napadpad dito. Na-curious ako kasi nag-iba naman ang itsura ng icon nh Tumblr hehe Kaya inopen ko at sinubukang i-explore.

Avatar

Nakakapagod na.

Araw-araw na lang nagtatrabaho. Pero bakit laging hindi sapat? Tatlo na ang pitaka pero kahit piso, laging walang naiiwan. Nakakalungkot. Deserve ko ba ang buhay na ‘to? Ang dami ko ding gustong bilhin. Nakalinya sa isip ang mga gustong puntahan. Pero tila kahit anong kayod ang gawin, laging sa trabaho pa rin ang bagsak.

Naka-”on repeat” ang peg.

Pambihirang buhay. Buti na lang at malusog pa rin ako. Malayo sa sakit at kayang kaya talagang kumayod. Salamat naman oh Diyos na sa kahit ganitong bagay man lang, makuha ko pa ring sabihing “I’m blessed.”

Avatar

Time management

Sa sobrang dami kong ginagawa, halos wala na akong time sa mga mahahalagang bagay. Wala na akong oras para makatulog ng madaming oras kasi maaga pa lang, nagigising na ako sa dami ng “worries in life” ko: pag-check ng online outputs, pag-prepare ng class presentation, pag-check ng mga submitted outputs ng digital at printed module learners. Ang dami! Kaya nga never talaga akong gumamit ng “alarm clock” eh. Napaka-useless kasi nauuna pa akong magising sa tunog niya. HAHA. ‘Tong mga “worries in life” ko talaga ang best alarm clock ko.

Feeling ko sign talaga ko ng stress. Pero ayoko namang isipin na stressed ako. HAHA. Gusto ko sanang isipin na “chill chill” pa rin ang buhay ko pero ghaaad, kung hindi ako magdoble kayud, wala kaming kakainin pagkatapos ng kalagitnaan ng buwan. Hahaha. Ganun kabilis maubos ang aking sweldo. Ni hinid ko na maalala kung kelan ako huling nakapag-milktea o kaya’y kumain sa fastfood kasi nakaka-guilty gumastos para sa mga ‘yan. Pero sa Shopee, syempre hindi (ay eto pala ang major taga-ubos ng sweldo ko haha). 

Sabado ngayon pero imbes na tanghaling tapat na ako gumising kasi wala namang pasok, alas 5 palang gising na ako tapos mga alas 6, nagsimula na akong mag-check ng online outputs ng isang section. Mayang mga alas 9, baka dumating ‘yung aking tutee kasi hindi kami nakapagtutorial nung hwebes at biyernes. Sa hapon naman, mga ala una, punta naman ako sa bahay ng magkapatid na tutees ko. Syempre, tutor ulit. Pagkauwi naman mamaya, subukan kong encode ang mga sales report ng sa spa ng kaibigan ko (may sweldo din ako sa kanya para diyan sa ginagawa ko hahahaha).

Baka meron pa kayong naiisip na pwedeng i-raket diyan? Tumigil muna ako sa online selling at naubos na ang capital ko. Hahaha. May hindi kasi muna cash na nagbayad eh. Pero buti na rin ‘yun, at least may expected akong pera kung sakaling wala nang mapagkunan.

Avatar

Sa totoo lang, laging makalat ang desk ko. Haha. Ewan ko ba at sobrang tamad ko. After ng work, gusto na lang mahiga at manood ng TV. Wala na akong time mag ayos ng kalat. Kahit nga pagpalit ng mga bedsheets at kurtina namin, inaasa ko na din sa asawa ko. Kasi lahat ng lakas ko, ubos na ubos sa pagtatrabaho at pag-iisip kung ano pa ang pwedeng pagkakitaan.

Avatar

Sa kakatingin ko ng mga blogs na merong theme sa mga photos na pinopost nila, naiinspire din akong gayahin. Mula sa work desk hanggang sa kahit simpleng pagkape kape lang. Kaso dati, binalak ko na din 'yan. Yung tipong sa kagustuhan kong maging aesthetically presentable mga pinopost ko eh nawawala ako sa kung ano talaga ang gusto kong sabihin at ipakita. Hehe. Dun na lang ako naka-focus. Kaya 'yun, di ko na pinunsh. Bahala na lang kung ano ang kalalabasan. Total, "this is me". Walang arte arte.

Pero kakainggit pa rin ng sainyo noh? Hehe. Nakakainspire po kayo.

Avatar

Simula nung sabihin ng kapatid ko na di na niya ibebenta ang ipad air 4 niya sa'kin, wala nang laman utak ko kundi pa'no ako magkakaron nun. Hindi naman talaga ako ganun kahilig sa gadget lalo na sa mga mahal. Hindi ako pala-upgrade kasi wala naman ako pera pang-upgrade. Hangga't meron akong nagagamit, komportable pa ako, okay lang sa'kin tiyagaan.

Kaso iba si ipad. Kasi simula nung sinabi ko sa kapatid ko na bibilhin ko, excited na akong dumating bonus ko para maipambayad ko sa kanya. Kaso nung isang araw, bigla nalang may sinend na ipad na brandnew for sale. Sabi ko bakit niya ko sinendan, kung di na ba niya ipagbibili sa'kin ipad niya. At yun nga, di na raw. Hahaha. Nalungkot ako pero syempre alangan naman ipilit ko kaya ayun, tingin tingin na lang sa marketplace at insta kung magkano ba original at kung meron pang secondhand na in good condition naman. Kaso, ang mahal. Ang bonus ko is nasa 22-24, tapos ang mga brandnew nasa 30k pataas.

Iyak na lang. Char. Mag-loan? Nooooo! Huwag tayong aabot sa ganun. Haha. Kasi gadget lang 'to eh. Sayang ng ilo-loan ko kung di rin lang naman pangbusiness. Hihi.

Tinitimbang ko nga kung bagong phone na lang ba o ipad air 4 talaga ang gusto ko. Ang huli talaga ang nangingibabaw. Hindi pa naman ako mapakali kapag meron akong gusto. Bago matulog, yun nasa isip ko. Pag gising ko, yun ulit nasa isip ko.

Hirap namang maging ganito. Hahaha. Hindi naman ako makakapag-ipon mula sa sweldo ko kasi hindi na nga siya sapat para sa isang buwan na gastusin naming pamilya eh. Benta ko na ba isang kidney ko? Charot! Hahahaha.

Avatar

Ayoko na muna talagang magtrabaho kasi gabi na. Bukas naman na. Pahinga nalang muna nga ako. Hindi naman tataas ang sweldo ko sa pinaggagagawa ko eh. ^____^

Avatar

KDrama.

Sobrang thankful talaga ako sa mag KDramas kasi ang panonood ng mga ‘to ang nagiging “reward” ko sa sarili ko. Kapag sobrang busy ako sa work buong araw, pag uwi ko, pahinga ko ang panonood. Narerelax ako. Sobra. Kahit gaano pa ka-stressful ng scene sa KDrama, I don’t mind kasi it gives me a temporary escape from my reality. HAHAHA.  Kulang ang isang buwang sahod ko sa aming pamilya. Ako kasi lahat kasi wala namang work ang asawa ko. Minsan napapagod ako at gusto ko siyang piliting maghanap na ng work para may katulong naman ako financially pero minsan lang naman. Kasi sa totoo lang, sobrang laking tulong ng asawa ko sa’kin. Pagdating ko sa bahay, siya lahat ang mag-aasikaso lalo na sa pagkain. Hindi kaya ako marunong magluto. HAHAHA. Kaya since day 1 naman ng pagkakakilala namin, na-establish ko na ‘yang “fact” na ‘yan tungkol sa’kin kaya wala na siyang magagawa. Minsan nga, hahatiran niya pa ako ng pagkain sa school tuwing lunch or dinner naman dito sa kwarto kasi alam niya kung ga’no ako kapagod. Isang bes, bigla kong nasabi out loud “magtatrabaho ba ako mamaya pag uwi sa bahay o mag-k-KDrama?” tapos sabi niya “magKDrama ka nalang”. Ganyan siya ka-supportive. Alam niya ang “pahinga” ko. Pag weekends at magtatrabaho ako, sasabihan niya ako ng “mag-KDrama ka nalang kasi pag weekdays, nagtatrabaho ka na.”

Siya nga pala, mabalik ako dun sa kulang ang sahod ko sa’min. Haha. Balik raket naman ako kasi nakakahiya sa nanay ko laging humingi ‘pag kinapos kami. Meron akong tutorials tapos online selling din ‘pag may time. Kapag may tsansang kumita, pinapatos ko. HAHAHA. Pero I’m proud of it kasi hindi naman kami mabubusog kung paiiralin ko ang hiya hiya na ‘yan. May isang bes na nag post ako ng mga preloved clothes. May isang kakilala ba naman ang nag-comment na hindi daw siya makapaniwala na nagbebenta ako. So what? There’s nothing wrong with selling. Bahala siya diyan. Hahaha.

Anyway, sa ngayon “Hometown Cha-Cha-Cha”, “Yumi’s Cells” ang mag on-going shows na pinapanood ko. In between, while waiting, syempre hindi pwedeng wala akong panoorin. Nandiyan ang “Where Stars Land” at “Lawless Lawyer”. Pero meron akong kinahuhumalingan ngayon na drama pero hindi Korean: The Five Juanas. Sinubukan ko lang panoorin kasi lumbas sa “Trending Now”. Aba, akalain mong Episode 14 na ako agad samantalang hindi pa naman ganun katagal akong nanonood. Hehe.

Salamat na lang talaga sa mga palabas na ‘to. Ngayon ko lang talaga naappreciate ang sinasabing “good shows will make you escape reality”. Actually ako lang may sabi niyan hahaha. Eh based from my own experience. Bakit ba? Hahahaha.

Avatar

Kumusta?

Napadpad na naman ako ngayon dito. Syempre, para magkwento na naman ng kung anu-anong kaganapan sa buhay ko.

Nakakapagod ngayon ang trabaho ko. Kumpara sa nakaraang taon, parang mas dumoble ang trabaho kaya lalo akong nahihirapan. Last S.Y. kasi, ang mga modalities ko ay: online, printed at may RBI pa na isang bes sa kada quarter. Ang mahirap diyan ay ang printed kasi magpiprint pa ng pagkarami raming modules at magsosort by sections na handle. Tapos sa online class naman, kailangan maghanda lagi ng PowerPoint Presentation kasi baka matulog ang mga estudyante kung walang presentation na makikita at puro mukha ko lang habang nagsasalita. Haha. Pinaka-challenging na part ang pagcheck ng mga outputs lalo na sa Performance Tasks. Pero sa awa ng Diyos, nairaos ang unang taon ng “new normal”.

Ngayong S.Y., looking forward sana ako nang sabihing “ang online teacher, solely focused lang sa online modality”. Pero ‘nung pasukan na, biglang nagbago ang lahat. Haha. Sa ngayon, bukod sa tatlong online class, may digital pa ako at printed (pero isang section lang, advisory class ko pa). Pinakamahirap ditong part ay ‘yung kailangan kong magsimula from scratch sa online class. Kasi sabi ng school head naman, dapat ang ituturo sa online learners ay hindi ‘yung lessons mula sa self-learning modules. So, gagawa ulit ng panibagong lesson at panibagong presentations. Ang kagandahan lang eh marunong na akong gumagamit ng Canva for my presentations. Ma-lag nga lang (dahil sa internet provider namin) pero wow, astig gamitin! Mas madaling mag-design kaysa PowerPoint. Less na ang problema ko sa printed kasi ginamit ko lang ulit ang mga SLMs ko last school year. Weekly Home Learning Plan lang ang kailangan kong i-revise pero kering keri. Nasusunod ko na rin ang checking of outputs kasi isang section lang. Pero kulelat ako sa digital. Haha. Hanggang ngayon (nasa Week 4 na kami), hindi pa rin ako nakakapagrecord ng mga outputs. HAHA.

Kaya ko pa ba? Gusto kong kayanin kasi syempre, sinumpaang trabaho and I love the process of teaching naman. ‘Yung checking of outputs lang kasi talagang nagagahol ako sa oras. Kahit gabi na, minsan nagchecheck pa rin para mabawasan ang mga kailangan kong i-check.

Sana lang talaga next school year, balik na sa face-to-face kasi kung akala ng marami na ang swerte naming mga guro sa sitwasyon na ‘to, eh nagkakamali sila. Dumoble po ang trabaho sa totoo lang. Lahat kami pare-parehong nangangapa kahit na nga ba ikalawang taon na ng new normal. Tapos si DepEd, nagpopromote nga ng mental health, wala namang binibigay na pera sakali ngang kailangan nang kumonsulta sa psychiatrist or psychologist. Ano ba ‘yan? Actually, dumating po ako sa puntong nag-iisip na ako ng “suicide”. Masyado akong na-overwhelm sa dami ng trabaho, nakakapressure tapos frustrated na ako kasi gusto kong magreklamo pero alam kong hindi ako maiintindihan kasi ang trabaho ay trabaho lang dapat. Ewan ko ba. Buti nalagpasan ko ang sitwasyon na ‘yun. Katakot. Huli akong nag-isip ng ganun, teenage years ko pa at hindi naman talaga seryosohan. ‘Yung ngayon, naku, seryoso talaga ang naisip ko. Inisip ko na lang talaga ang anak ko kasi syempre gusto kong ma-witness ang paglaki niya hanggang magkapamilya siya at magkaroon ako ng apo. Ganun ang naging motivation ko. Na kailangan malagpasan ko ang estado an ‘yun kasi kailangan ako ng anak ko. Hindi ko man maibigay ang lahat ng gusto niya pero gagawin ko ang lahat para hindi naman siya ma-deprive ng mga bagay na kailangan niiya sa buhay niya.

Ang haba na pala ng kwento ko. HAHA. Madaldal pa rin naman pala ako kahit papano. Akala ko kasi tinamad na akong maging madaldal. Sorry kung masyadong mahaba. Basta nagpapalabas lang ako ng pagod and this was the quickest way to do it. :)

Avatar

Downpour of rain stirred mixed emotions in me.

Dulot na din nang nangyari sa GC kagabi, hindi ako ginanahan pumuntang school ngayong araw. Buti nalang at umuulan. Merong magpapatibay ng excuse ko not to go there. Nakakawalang gana eh. Hindi na nga nila maappreciate sacrifices ng mga teachers, kung makapagsalita pa eh akala mo hindi mga professionals ang mga kausap.

Pero kahit nandito lang ako ngayon sa bahay, sinusubukan kong maging productive. Gaya ng paghagilap nung isang estudyante ko na wala man lang ni ha ni ho sa mga chat messages ko. Siya na lang out of 40 ang hindi pa enrolled at wala akong balita. Buti na lang nalaman ko ngayon na kapatid pala siya ng co-teacher ko. No wonder they have the same surname. Actually, the idea hit me of asking him whether kilala niya ‘yung estudyante ko kaso nahiya naman ako at baka kaapelyido lang niya. HAHAHA. Isa pang plano kong gawin ay ihanda ang masterlist ko with the modalities na pinili ng mga estudyante ko para maibigay sa mga subject teachers.

Sa lunes na ang pasukan pero parang hindi naman. Hahaha. Second year of the “new normal” at andami pa ring adjustments na ginagawa.

Avatar
There has been too much of what's going on around me that I exerted too little effort to even care.

kleyripiko

Avatar

Sensitive.

Ang pangit ng gabing ‘to. Pa’no naman, ‘yung OIC namin sa MAPEH Department, minention ang pangalan ko sa group chat namin. Lima naman kami na minention pero hindi ko nagustuhan kasi ang dating sa’kin at malamang sa mga miyembro din ng GC namin eh pangit. Pa’no ba naman, pinicture-ran niya ‘yung labas ng classroom ko tapos sabay sabing tatlong bes na raw umakyat sa second floor kung saan part ang classroom ko ‘yung aming OIC school head tapos wala man lang raw nakitang naglilinis o nagwawalis. Kundi ba naman anak ng tipaklong! Sagot agad ako kasi ayoko nang minimention ang pangalan ko in a bad light. Sabi ko na galing palang ako ng school kanina at kahapon ng hapon. Hindi naman ako “aware” na dapat pala eh nagpapaalam na naglilinis ako. Nakakasama ng loob! Bakasyon na bakasyon pero nagsakripisyo ako ng oras at lakas ko para maglinis kahapon at kanina tapos dahil lang hindi ako nakita, ganun na ang tirada niya sa GC namin. Naiyak ako sa asawa ko habang nagkukwento ako. I don’t deserve to be called out like that. Buti na lang to the rescue naman mga kasama ko sa trabaho na nakita akong naglilinis kahapon at meron pa ngang may kumuha ng litrato ko na naglilinis.

Hindi ko alam kung maliit na bagay lang ‘to at pinalaki ko pa pero kasi sumusobra na. Hindi ko naman sinasabing i-appreciate ‘yung ginagawa ko pero ayaw na ayaw kong pinapalabas na wala akong ginagawa kung alam ko sa sarili ko na meron akong ginawa.

Pero baka sakaling hormones lang ‘to. Baka daratnan lang talaga ako. 

Avatar

Inaantok ako. Gusto ko sanang matulog kaso pupunta akong school mamayang ala una. Kailangan kong bisitahin ang classroom ko kasi sigurado akong baha na naman ulit dun. Sa lakas ba naman ng ulan kahapon! Tsaka meron din akong estudyante two years ago na magsasauli ng kanyang mga aklat. Hindi niya naisauli last school year kasi tumigil sa pag-aaral kaya hindi niya kinailangan ang school report card niiya Hahaha. Pero ngayon, magbabalik aral na kaya todo kontak sa'kin kung pupunta daw ba ako ng school mamaya. Supposedly kahapon kaya lang may bagyo kaya ngayon na lang. Tsaka, tinanong na din ako ng binilhan ko sa FB live selling ng damit kung pupunta daw ba akong school. Haha. Dun kasi pinahatid last mine ko sa kanya kaya naman 'dun lang ang alam niyang paghahatiran ng damit ko. HAHAHAHAHAHA.

Avatar

Katapos lang pala kumalma ng bagyo dito sa Masbate. Signal no. 3 kami kahapon. Hanep ka Jolina! Ngayon naman lang ako nakaranas ng malakas na bagyo. Dati kasi, may mga dumaraan naman na bagyo pero bahagya lang ang lakas kahit pa umabot ng signal no. 3. Salamat ng marami Lord! Pero kahapon, ang lakas ng hangin! Brownout na nga kami dito 'nung isang gabi pa, hanggang ngayon wala pa din. Pero sa ibang parte ng Masbate City meron ng kuryente. Dito sa lugar namin ewan ko lang kasi may natumbang poste kahapon. Kaninang tanghali palang naalis ang poste pero hindi pa naman inaayos ang sira. Sana talaga mamayang gabi meron na. Aba, ang init kaya! Buti na lang at walang lamok, kundi naku!

So far, 'yan lang naman ang malalang experience ko for this storm. Pero 'yung sa nanay ko iba. Natumbahan ng puno ang sasakyan at nabasag ang glass sa unahan. Wala namang sugatan kina Tito at sa mga kasama niya, buti na lang. Pero hindi maipinta mukha ng nanay ko kasi ang laki na naman ng magagastos niya. Kawawa naman.

Salamat Jolina for coming into our lives. Daming tragic na nangyari sa ibang parte ng probinsiya namin pero I think all is well naman. Wala pa namang akong nabasang casualty sa timeline ko. Tapos balita ko may parating naman: Kiko. Sana 'wag na siyang dumaan dito sa amin.

Avatar

Bumili ako ng wireless keyboard sa Shopee. Actually, pangalawang purchase ko na 'to kasi 'yung una, hindi ko gaanong nagustuhan. Ang tigas ng keyboard tapos ang bagal ng reception ng mouse cursor. Binenta ko sa co-teacher ko. Haha. So etong pangalawa, bet ko na ang keyboard. Sarap sa ears ng mga tipa ng letra. Kaya lang, 'yung sa mouse ganun pa rin. Ang bagal niya minsan sumagap ng reception. Nai-stress ako. I work fast pa naman. Pero wala akong choice kasi nandito na. Kaya pa rin naman siyang pagtiyagaan kahit papano. Sa review netong keyboard na napanood ko bago ako bumili, nagagamit siya sa cellphone o sa tablet as long as merong OTG. Ako naman si shunga, akala ko na-add on ko din ang OTG kaya pagdating, hanap ako ng hanap kasi gusto ko ma-try. Haha. Hindi ko pala sinama kasi nga nagtitipid ako. Nakuha ko nga siya ng walang shipping fee kaya malamang, hindi ko na din inisip mag-add on. Lumipas ang ilang araw saka ko naalala na meron pala akong OTG na lagi ko namang gamit tuwing magtransfer ako ng mga downloaded movies and Kdramas ko sa flashdrive. Then an idea hit me! Sinubukan ko kung possible siya din dito sa phone ko. And tsaran! Ang haba na nga ng natype ko gamit ang keyboard na 'to. First time? Haha. OO! Obviously. Sorry na. Nakakatuwa lang na experience. Sana makatulong 'to para sipagin akong magkwento ng kung anu-ano dito sa Tumblr. Nakaka-miss din kasi ang mga unang panahon. Hahahaha.

Avatar

Kumusta? Ngayon naman lang ulit makakapag-Tumblr. Hindi ko na maalala kung kelan ba ako huling nagkwento ng mga nangyayari sa buhay ko. Iba na nga ang panahon ngayon. Kung dati, sa blog ako madalas magkwento ng mga naiisip ko o ng mga nagaganap sa buhay ko, ngayon hindi na ako nakakapagsulat ng mahaba. Naninibago na din ako sa itsura ng pagbablog. Wala na palang title? Haha.

Avatar

How do you brush off unwanted thoughts? No matter how hard I try to ignore them, they keep on nagging in my head. They get so noisy they kept me awake most of the time.

You are using an unsupported browser and things might not work as intended. Please make sure you're using the latest version of Chrome, Firefox, Safari, or Edge.