Avatar

J A N GA GO

@janggago-blog / janggago-blog.tumblr.com

PROFANITY IS MY FUCKING POLICY! photography. graphics. events. moments. poems and essays. kalandian ko sa buhay. full time artist part time human.| laman ng expo| madalas late| hopeful and romantic| #hugot| smoker| OCD| UDD. Franco| minimalist|...
Avatar

PAGBABALIK

Hindi ko alam kung bakit ako

      nakatayo dito.

Kung bakit ako humihinga

      at kungbakit ako magkekwento.

Marahil ay ito na ang pinakamasakit

       na epiko

Higit sa mga alamat

       at mga naisulat ni Rizal

Higit sa mga tinta na nakatatak

       sa lumang pluma

        upang doon sabihing

-may rebolusyon sa pag-ibig.

 Ito ay gera.

At tapos na ang laban.

Hindi alam ng bida

        kung panalo o talo ba

        ang makita ang sariling buhay pa

        at humihinga

        kung ang natira na lamang

        ay sarili nya

Hawak ang baril.

Sugatan.

At nag-iisa.

 Sa bawat pikit

      ay kinakain ng kadiliman

       ang alala ng lumipas.

Parang pusong inukit sa puno

       at unti unti ng kumupas.

Hindi na mawari ang nakasulat

       kaya minsan ay inilabas

       ang balisong

       at itinutok ang tulis nito sa balat ng puno.

Ngunit hindi alam ng tulis

        kung ano ang dapat iukit dito.

Itinusok ang talim at lumabas ang dagta.

Waring pagkapanalo ng isang armado

       sa isang sibilyan sa gera.

Oo, tama ka.

         Wala siyang laban.

 Nang minsan kang sumilip

         sa aking panginip

         nang walang pasabi,

         ay biglang pumuslit

         sa ulap ng aking higaan

         ang larawan mo.

Nakangiti

         habang unti unting naglalaho.

At oo, tama ka.

        Wala akong laban.

At oo, tama ka.

       Ako ang bida

       sa gerang pinagkaisahan.

At oo, tama ka.

       Ako ay sugatan.

Dito sa dibdib

       Natutok ang talim

Dito sa dibdib

       Tumutulo ang dagta

 Nang bigla kang bumalik

     upang aliwin

     ang paghupa ng laban

     mula sayong paglisan

     na walang paalam,

     ay lubos akong nasaktan.

Wala kang ginawa kundi

     tangayin ng ngiti

     at pagsuyo

     ang labi ng puso ko

     sa sugat na iniwan mo.

Sa pag-ibig

      na minsan ay

      nilisan mo.

At oo,

     tapos na ako

     sayo.

     marahil ay ikaw

     na lang ang hindi.

Kaya narito ka,

     upang magsindi

     ng apoy

     sa mga mata

     at ibalik ang lumipas na.

Hinila ng tadhana

     ang maririkit na tala

     upang iayos muli

     ang minsan ay sa atin pa.

Umasang maibabalik

      sa dati

      ang nilikhang kapalaran

      nating dalawa

      sa libro

      sa gera

      at sa puno.

Akin nang kinalimutan

     ang alamat

     ng iyong pangalan

     upang ilatag

     ang bagong pluma

     para sa susunod

na kabanata.

 At oo,

Hindi ito epiko

     na bayani ang bida

     kundi isang sugatan

     na nais nang lumaya.

Sa palad na ito,

     ang pagmamahal

     ay hindi maitama.

At oo, mahal,

      Huli na.

       Paalam

       At salamat

sa alaala.

Avatar

MINSAN PA NA MAY "TAYO" SA UPUAN

Sa upuang ito dinuduyan tayo patungo sa kawalan. Tinatawid natin ang pisi ng oras patungo sa susunod. Hinahatak natin ang mga planeta para umikot ang mundo. Tayong dalawa. Sa upuan. Walang imik.

    Kasabay nang pagdaloy ng tubig sa mga ilog sa norte ay buntong hininga mo na pinabigat ng mga marmol sa Antique. Sa upuan. Tayo. Nakatitig lang ako sa aking mga kamay parang pagtitig mo sa iyong kisame sa tuwing di ka nagiisip, kundi naglalakbay. Ako din ay naglalakbay, ngayon.

    Hinihintay kitang magsalita. Bawat galaw ng kamay ng orasan sa buong kamaynilaan ay kasabay ng bawat paang naghahanap ng mapupuntahan. Naghahanap nang kanlungan ang iyong mga salita. Nahihiya kang ibigay ito sakin upang aking arugain dahil alam mong hindi ko kakayanin ang timbang ng bawat letra.

    Tumingala ka dahan dahan. Kalkulado ang galaw ng iyong ulo gaya nang pagkalkula mo sa sukat ng bawat tiktik sa hangin. Sa paningin mo'y kaiba ang isa sa isa pa. Pinipili ang bawat isa upang sumakto sa tapayan ng iyong konsensya.

    "Masaya ka pa ba?"

    Matapos ang matagal na sandali nang pagpili ng sasabihin ay bigla mo itong binitawan. "Masaya ka pa ba?"

    Di sumagi sakin kahit na pagpatapik sa likuran ng aking ulunan ay hindi ko naisip ang tanong na iyon. Nag iisip ako kung dapat ko ba itong sagutin. Mula sa hangin kung saan kanina lang ay doon ka nakatulala, ay hinahanap ko kung saan mo binili ang mga titik. Wala na ito doon.

    Napatango ako at doon nakita ang mga titik sa ibaba. Nahulog ito isa isa. Parang mga ibon na pinukol ng tinador na dahan dahan ay nanghina at doon lumagapak. Tinutulak ako ng aking kamalayan upang pulutin ang piraso ng mga letra at humanap ng sagot. Ngunit hindi tugon ang doon ay nabuo bagkos ay panibagong katanungan. Bakit?

    Hinihiyawan ako ng tandang pananong na tila nagsasabing, "ako, itanong mo ako!" Pinulot ito ng aking isipan. Walang bigat ko itong nadampot at inihagis sayo.

    "Bakit?"

    "Wala tayong pinatutunguhan. Pano mo naaatim ang ganito? Wala tayong ibang ginawa kundi mag away."

    Natulilig ang aking tenga sa narinig. Hindi ko alam kung saang basurahan ka namumulot ng idadahilan, kung saang kaldero ka naghahagilap ng sunog na ipanglalaman. Saang lupalop ka sumisisid ng mga bagay na walang katotohanan.

    Sinisipat ko ang iyong mga matang pilit mong inilalayo ng tingin sa akin. Sa gilid ng iyong mga mata ay tubig na marahil ay sobrang likido ng iyong katawan kung may magkukumparahan ay tila ba grasa. Kusang tumatagas sa natatag mong pagkatao, sa kinakalawang mong budhi.

    Nasisilip ko ang aspaltado mong puso. Matibay ito kung tutuusin. Ngunit gaya rin lamang ng mga aspaltadong daan, ang silbi lang ng puso mo ay tawiran. Daanan ng mga pusong mapaghangad.

    Matigas ka.

    Sa puntong iyon ay hindi ka na pumupukol ng mga titik sa hangin na ngayon ay nasa sahig na. Unti unti mo itong ninanakaw bago pa matunaw.

    Ako naman sa kinuupuan ay tila lumulubog sa kumunoy. Hinihigop ako nito pabalik sa alaalang ipininta. Sinasalansan na ngayon ng sistema ang memoryang tinutukoy nya. Hinhanap sa bawat sulok at aparador ng utak kung saan maaring naitago at nagkamali nang lagay ang kaisipan. Pumikit ako at pilit ibinabalik. Kahit anong balik ang gawin ay hindi nito mahagilap kung saan parte ng kanilang pelikula naisingit ang ganoong eksena. Wala. Wala sa aparador. Wala sa pelikula. Wala sa alaala.

    Bumulong ang mga ulap. Bulong lamang. Ngunit sa dami ng ulap ay nagmistulan itong sigaw ng kalangitan. “nagdadahilan.”

    Umalingasaw ang masangsang na amoy ng sahig. Buong buo nitong iniluwa ang salitang “sinungaling.”

    Himalinghing ang mga santan na tila ba ako’y tinawanan sa aking katangahan. Humalakhak ang mga dahon nito. Natutuwa sila sa tuwing nakaririnig ng pusong pinipunit.

    Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan magdahilan.

    Saan nagkamali ang sarili. Mali ba ang pagkakataon? Mali ba ng inupuan? Bakit hindi matandaan ng sarili ang iyong pinagsasabi? Bakit sigaw ng sangkalangitan ay pagdadahilan.

    Sumisingaw ka. pinagpapawisan ang iyong katawan kahit hindi mainit. Pinakukuluan ka sa banyera ng yelo. Malamig ang iyong pusong aspaltado.

    Sa pinagpalang upuan nagsalin ang lamig at init. Tila ang parte na iyong kinauupuan ay sadyang nilikha para sayo. Hinulma ng iyong kapalaran ang partikular na araw na ito, para sa ating dalawa. Perpektong pagkakataon upang magsinungaling at dahan dahan sabihing “Tapos na. wala na”

    Naaayon ang isang magandang araw sa napkapangit na balita.

    Sumisikip ang espasyo sa ating pagitan. Malawak ang natatanaw ng ating mga mata. Napaka luwag para sa atin kung tutuusin ngunit pakiramdam ko’y nauubos ang hangin. Sinasakal ako upang di makapagsalita. Tila ba’y pinipiga ang pusong tuyo’t na.

    Sa huling patak ay luha ang ikinatas. Ito ang luha mula sa sentro ng damdamin. Mula sa sektor ng mga pakiramdam. Doon ay nagmimina ang dugo ng espesyal na luha para sa natatanging okasyon. Ang masaklap ay hindi ito okasyon at hindi pa handa ang minahan.

    Bumilis ang pakiramdam na tila ba’y agad itong tinuruang umiwas sa pangalan mo, sa pagkatao mo, sayo.

    Kasabay nang pagpatak ng luha ay ang awtomatiko mong paghingi ng tawad gaya ng dati. Tumambad mula sa mga luha ang larawan ng mga panahong nagkasala ka ngunit pagpapatawad ang pilit pinairal. Hindi nagsawang umintindi ang pusong di tinuruan magmahal.

    Bakit ngayon ay Ikaw pa? Sayo pa nangagaling. Parang baril mong ipinutok ang bawat salita at wala akong nagawa. Hindi ako nakaiwas sa talim ng bala mo.

    Hindi pa nakakababangon ang sarili ay biglang idinagan mo sa katawan ko ang walang kasing bigat na "Sorry, ayoko na."

    Buong kapal mong ibinulalas ang iyong angking galing sa pagdadahilan.

    Biglang umikot ang mundo ng pabaliktad. Hinipo ako ng hawak mong alas. Tumilapon ang mga tao sa karnibal. Nasunog ang mga bakawan sa bandang Batangas kung mayroon man. Nagkagulo sa mundong hinihingahan ko, natin.

    Napakadaya mo. Hindi ka marunong lumaban ng patas. Ganun mo lang binitawan ang lahat lahat. Hindi man lang nabatid sayo ang panghihinayang. Hindi man lang naramdaman sa hangin ang pagsisi. Napakadali lang sayo ang lahat. Napakaduwag mo. Hindi mo kinayang harapin ang iyong sinimulan pero alam na alam mo kung paano ito tatapusin. Magaling ka.

    Hindi mo na ako hinintay pang magsalita. Tumayo ka. Napakadali para sayo ngunit ang sa palagay ko'y napakabagal. Dahan dahan. Isang yabag. At isa pa. Papalayo ka sa upuan. Umalis ka na tila ay naipanalo mo ang isang laban. Ikaw ang nanaig sa gerang di ko napaghadaan.

    Kasabay nang pagluha ay ang di matapos tapos na pagbulong ng mga ulap. Sinabayan akong lumuha ng kalangitan. Pinatid nito ang uhaw ng sahig, ng mga puno, mga santan, at ang kinauupuan ko.

    Ang halinghing ng mga santan ay nawala. natahimik ito at di na muling umimik. Wala na ang mga titik sa sahig. Tuluyan na itong natunaw.

    Sa kinauupuan ay magisa. Ang oras ay bumagal. Gayun din ang patak ng ulan. Dahan dahang hinuhugasan ang kasinungalingan sa hangin. Para iyong mga piraso ng karayom na tumutusok hindi lang sa balat ko maging sa laman at puso ko.

    Nagbabara sa kalye kamalayan ng aking puso. Masikip ang daloy ng dugo doon. Nagtutulakang maka-agpas sa banggan ng sakit at hinagpis. Ito ay matagal nang iniiwasan sa bawat kanto at likuan sa aking puso.

    Kasabay nang pagluha ng kalangitan ang paglubog ng araw. Madilim sa dako paroon. Madilim ang sarili.

    Tapos na tayo. Kahit hapo ay kailangang tumayo ng mga tuhod ko. Sasabay na lang din ang aking paa sa paggupo sa kung saang tinuran. Maghahanap ng mapupuntahan.

    Sa bawat hinga papaalis ay iniwan ko ang mga katagang "huwag uupo. Dito ay sakit ang taglay. Kasinungalingan ang nabubuhay."

        Wag mong uupuan.

              Sep 22, 2014 3:10:53 AM 

(last piece for this year! salamat po sa mga sumuporta )

You are using an unsupported browser and things might not work as intended. Please make sure you're using the latest version of Chrome, Firefox, Safari, or Edge.