uhaw na uhaw ako sa yakap. pero alam ko na pag may yumakap sakin, hindi ko mapipigilan bumuhos yung luha ko. sobrang lungkot. sobrang sakit.
kanina pa kasi ako nagpipigil ng luha. saksi nito yung tarpaulin ni leni sa bandang likod ng e-jeep, yung pamaypay na may mukha ni chel diokno na nasa lamesa ko, at yung tinta sa hintuturo ko. kasi hindi ko sila matignan nang hindi ngumingilid yung luha sa mata ko. nahihiya ako para sa pilipinas.
pero kaya ko 'to isinusulat kasi ayokong makalimot.
gusto ko alalahanin 'yung saya na naramdaman ko noong minsang kumain kaming pamilya sa binondo at biglang lumabas ang balitang tatakbo si vp leni sa pagkapresidente. nagpalit kami agad ni syoti ng cover photo sa facebook bilang suporta. bagong bago, may pagka-retro pop art na hipster, tapos kulay pink. doon din nagsimula yung branding niya na kulay pink.
ayokong makalimutan yung gabing nagvolunteer ako sa relief ops sa leni-kiko hq volunteer center para sa mga nasalanta ng bagyong odette. may mga bagong tao akong nakilala, mga bagong finollow at followers sa ig, haha. at kahit huling gabi na ng volunteer work yun, mainit pa rin yung pagtanggap na nakuha ko. hindi ko naramdamang naiiba ako, kasi lahat iisa ang hangad. sa registration ako naassign, kaya naramdaman ko kung gaano kasarap makipagusap sa mga volunteers na kakarating pa lang at volunteers na pauwi na. yung kislap sa mata nila kapag nag-abot na ako ng pauwing tarpaulin, pamaypay, komiks, at stickers. alala ko, meron pa ngang bagong dating na volunteer no'n na hinoldap sa may tulay sa katipunan, malapit lang sa hq, pero umuwi siyang doble yung perang ninakaw sa kanya kasi nag-ambagan yung ibang volunteers para mabawi yung nawala sa kanya. at lalong hinding hindi ko malilimutan yung palakpakan nung naisalansan na sa loob ng truck ang pinakahuling truck ng mga relief goods na babiyahe papuntang siargao. napakasarap sa tenga.
gusto ko ring maalala yung panghihinayang kong hindi ako nakasama sa pinakaunang rally sa commonwealth, kasi nasa baguio ako, at yung kilig ko nung sa wakas, nakasali ako sa rally sa pasig. linggo yun. niyaya ko si judy at lorenzo, at nakita ko pa yung ibang mga orgmates ko. mahina ang signal. sobrang siksikan ng mga tao. para bang nabura na sa isip naming lahat yung pandemya, kasi sobrang palpak ng gobyerno at lahat uhaw sa pagbabago. pero wala akong nakitang hindi naka-mask. may namigay pa ng pink na pandesal. nanawa ako sa kakasabi at kakatanggap ng "excuse me po" at "sorry po" sa bawat kakampink na nakasalubong at nakabungguan ko. hindi ko maipinta kung gaano ako kasaya no'n. umapoy yung pag-asa sa dibdib ko. iba yung warmth na naramdam ko sa mga kakampinks na nakasama ko. nakakaproud. pakiramdam ko, ligtas ako at hindi ako mababastos. dun ko talaga tinatak sa sarili ko na gusto ko ng ganoong klaseng pilipinas, at sa sandaling yon, mukhang posible naman.
ayoko ring makalimutan yung pakiramdam na dumalo sa miting de avance kasama ang buong pamilya ko. biggest flex ko yata ngayong taon ay yung ang buong pamilya ko ay for leni-kiko. nakakakilig talaga yung tunay na pagkakaisa na mawiwitness mo kapag dumalo ka sa pagtitipon ng mga kakampink. halu-halong estado sa buhay, edad, kasarian, sekswalidad, relihiyon, paniniwala, pero iisa ang kinakanta. pare-parehong gusto ng malinis na pilipinas. sabi nung isang placard ng umattend non, "ganito pala pag may pag-asa, ang saya saya." tama siya.
gusto ko ring maalala yung iyak ko nung inendorso ng mga magsasaka si kiko, kahit na sa livestream ko lang napanood. yung mga funny shit na nabasa ko sa mga groups na sinalihan at pages na sinundan ko sa facebook, kasi napagaan nila yung bawat araw na nabubwisit ako sa mga supporters ng kabila.
at panghuli sa lahat, ayokong makalimutan itong nararamdaman ko ngayong lumalabas na ang resulta ng eleksyon. yung nakakapanlumong pakiramdam na gusto mong sumuko kasi ang tanga lang talaga. higit sa galit ay lungkot at pagkadismaya. ngayon na lang yata ako humagulgol ulit simula nung iniwan ako ng ex ko. wasak. sawi. awts. pain. pighati, matindi.
pero sabi nga ni doc tricia, "there's grief that sows unproductive anger, but there's a kind that reminds you of how fiercely you cared and that propels you to love and try harder." gusto ko 'yon. gusto ko 'non. kasi ayokong mapagod magmahal. lalo na kung sa tamang tao, yung mga deserving, yung mga nasa laylayan na tunay na nangangailangan, yung mga batang maaapektuhan ng bawat desisyon natin. pero kung marcos apologist ka o supporter ka ni robin padilla, ijujudge pa rin kita habambuhay.
sa ngayon, hindi ko na alam kung gusto ko pang magkaanak, pero kung sakaling magkaanak ako, gusto kong malaman niyang hindi ako nanahimik. na tumindig si nanay para magkaron siya ng mas promising at kulay rosas na kinabukasan. yung may kalayaan siyang maging siya, magsalita, at mamuna. at kung babae siya gaya ng hinihiling ko, gusto kong malaman niyang pinapangarap ng nanay ang isang bansang ligtas para sa kanya at bansang kikilalanin yung kakayahan niya bilang babae, kasi 'yun ang deserve niya.
sinimulan kong isulat 'to na humahagulgol. pero tinatapos ko 'to ngayon na nakangiti. kasi malinis ang konsensya ko. hinding hindi ko pinagsisisihang tumindig ako para sa mga pilipino, kasi alam kong nasa tamang parte ako ng kasaysayan. kahit gaano kasakit, hindi mawawalan ng pag-asa.
wala namang nasayang. paparating pa rin tayo sa exciting part, medyo nadelay lang. 🌷